Kasunduan ng Malayang Pagsali
Kami ay gumagawa ng pag-aaral ukol sa Internet Communication Technology (ICT) bilang isang daan sa pagbibigay ng suportang psychosocial sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) at kanilang pamilya. Bibigyan ang mga OFW at kanilang pamilya ng koneksyon sa isang Internet website na kung saan maaari silang makakakuha ng e-counseling, makihalubilo sa ibang OFWs (sa pamamamagitan ng forums) at kanilang pamilya. Matapos ang ilang panahon, tatanungin ang mga OFWs ukol sa kanilang intindihin, karanasan, at hirap sa paggamit o di-paggamit ng nasabing website. Gagamitin din namin ang mga kopya ng counseling at forums para pag-aralan ang mga isyu at alintala ng mga OFW.
Mayroon kayong karapatan na magtanong at makatanggap ng impormasyon ukol sa mga metodo o pamamaraan na ginagamit ng inyong counselor, ang haba ng counseling, o kahit na anong bagay na sa tingin ninyo ay importante para sa inyong counseling. Makikita ang maiksing salaysay ng edukasyon at propesyunal na karanasan ng mga counselor dito. Kung sa palagay ng mga counselors ay hindi nila kayo matutulungan dahil sa klase ng inyong problema o dahil sa ang kanilang kasanayan at training ay hindi angkop, ipapaalam nila ito sa inyo at ililipat kayo sa ibang counselor na maaaring makatugon sa inyong problema.
Lahat ng impormasyong ibibigay ninyo sa counseling sessions ay ililihim, maliban na lamang kung mayroon kaming matinding paniniwala na kayo ay mapanganib sa inyong sarili o sa ibang tao. Kapag ito ay nangyari, mayroon kaming responsibilidad na ipaalam ito sa mga awtoridad. Bagamat ang mga deskripsyon, resulta, o mga pag-uusap sa mga counseling sessions ay maaaring ilathala, hindi kailanman ilalagay ang inyong pangalan. Lahat ng rekord na may personal na impormasyon ay ibabasura pagkatapos ng pag-aaral na ito.
Boluntaryo ang pagsali sa pag-aaral na ito, at mayroon kayong karapatan na umalis kung nais ninyo. Maaari kayong umalis sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagtigil sa counseling sessions. Kung nais ninyo pa rin na sumali sa counseling ngunit hindi sa pag-aaral, mangyari lamang na ipagbigay-alam ito sa iyong counselor at hindi ka na isasali sa pag-aaral.
Kung mayroon kayong katanungan ukol sa proyektong ito, reklamo, o agam-agam ukol sa iyong karapatan bilang kalahok sa pag-aaral o bilang counselee, mangyari lamang na makipag-ugnayan kay Antover P. Tuliao, MA, sa tojie@yahoo.com, o kay Dr. Ma. Regina M. Hechanova, PhD, at rhechanova@ateneo.edu.
Sa inyong pagpapatuloy, isinasaad ninyo na:
Nabasa ko at naintindihan ang aking mga karapatan at tungkulin bilang isang kalahok sa pag-aaral na ito; na mayroon akong karapatan na tumiwalag sa pag-aaral kahit anong oras; at lahat na impormasyon ay gagawing lihim.

























